Masama pero sinusubukan. Bawal pero ginagawa. Mali pero binabalewala.
Nag-aabang ako ng jeep sa dulo ng mala-sawang haba ng pila sa terminal. De Castro, Rosario, Jenny's, Floodway, Lifehomes; Mga byahe 'yan ng jeep na dumadaan sa terminal kaya't ganun na lamang kahaba ang pila tuwing uuwi ako sa gabi. (Oo, gabi na ako umuuwi dahil tanghali na ako pumapasok.) Ako ay pagod at alam kong sa mga nakapila ay mas marami pang pagod sa akin base sa alam kong trinabaho ko sa maghapon. Petiks pa nga ako madalas, pero sadyang mahirap pumila dun. Nakakainip, mainit, at kung mamalasin pa'y siksikan sa dami ng pasaherong sabik nang makauwi. May ibang pikit na sa pila kaya't nasisingitan. Tsk. Tsk.
Hingang malalim nang ako'y makarating sa huling linya ng pagsubok. Ilan na lamang at ako'y makaka-abot na sa aking inaasam-asam kanina sa dulo ng pila, ang makasakay!
Barker: "De Castro, Lifehomes lang."
Ale: "Manong Rosario?"
Barker: "De Castro, Lifehomes lang ho sabi ng driver. Wala tayong magagawa. O, De Castro..ooo!"
Hindi nagkakamali ang ale na tanungin kung dadaan ba ang jeep sa Rosario sapagkat De castro ang pinakadulo sa mga byahe. Nagpantig ang aking tainga sa hindi ko malamang dahilan. Wari'y may napakinig akong hindi magandang salita, o baka dahil ako'y pagod lamang? Tinanong ko ulit ang kasa-kasama ng driver kung pu-pwede ang Rosario sumakay. Deadma and aking nakuha. Bumalik ako sa aking kinatatayuan at sinambit na "Bawal mamili ng pasehero a? Irereklamo ko to!" sa tonong walang emosyon ngunit malakas upang kanilang marinig. Nagtanong akong muli at tumango ang driver. Kami'y nakasakay ngunit sa kasamaang-palad, ang ibang paroon din ang tungo ay hindi na nakasakay dahil nalampasan na ng jeep.
Madami pa akong hindi magagandang karansan sa aking byahe pauwi. Nakakalungkot lamang at hindi pa man din ako nalalayo ay ilang storya na ang aking naipon. Ilan lang yan sa sakit ng ilang Pilipinong aking madalas makasalamuha sa araw-araw. Hindi lahat ng tao ay pare-pareho. May ilan din namang mabubuti, maparaan, masunurin, at may pakialam.
Pagbaba ko ng jeep, sa aking pagalalakad ay may nakita akong bata na nangunguha ng mga lata. Isinilid nya ang lata sa harap ng gulong ng jeep na nakatigil at nag-aabang ng pasahero. Nung una'y ako'y nagtaka at tumigil. Umandar ang jeep. Nalubak ng kaunti. Yupi na ang lata. "Ahh.."
Friday, May 4, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment